Bago pa man magtapos ang Impeachment Trial ng ating (dating) Chief Justice na si Renato Corona, ay akin ng napag desisyunan na respetuhin ang anu mang kalabasan nito. Maging ito man ay hindi sang ayon sa aking nais na maganap para sa bayan. At ganoon nga ang naganap, labin dalawang Senador ang bumoto na “guilty,” at tunay nga na pinataw ang hindi nais sa aking opinyon. Gaya ng aking pangako sa sarili, pinilit ko galangin ang taliwas sa aking pinaglalabang paniniwala sapagkat ako ay may respeto sa institusyon na nilikha ng ating Saligang Batas.
Ngayon at tapos na ang palilitis, ilang mga katanungan ang pumasok sa aking isip kaugnay sa pinag daanan natin bilang isang Estado. Ano ang napatunayan ng administrasyong Aquino sa naganap? Ano kinabukasan ng ating bayan ngayon at wala na ang Punong Mahistrado? Yayaman na ba tayo bilang Bansa? Mawawalan na ba ng mga buwayang opisyal ang Pamahalaan? Ang pagkawala ba ni Corona ay tanda ng isang bagong hudikatura na malinis at tapat? Sino ang tunay na panalo sa Impeachment Trial na naganap?
Habang kasalukuyan ng paglilitis, minsan kung binangit na habang opinyon ko na dapat mapa walang sala ang nasasakdal, higit ko paring nais ang katapusan ng Impeachment Trial ano man ang maging desisyon. Sa aking palagay, habang tumatagal ang paglilitis na iyon ay tayong mga mamamayan ang tunay na talo.
At ngayon na tapos na ang tila apatnaput-apat na episode ng isang teleserye, nagwagi na ba ang mamamayang Pilipino?
Sa aking palagay ay dalawa ang kasagutan sa huling katanungan na iyon. Oo at Hindi.
Oo, dahil sa wakas ay pagkakataon na ito para humakbang na padiretso ang ating Bayan galing sa isang mabigat na pagsubok.
Oo, dahil ang pagpapatalsik kay Corona ay isang mabigat na mensahe sa bawat isang kawal ng Gobyerno mula sa Barangay hanggang Malakanyang.
Oo, dahil ito ay tila nakapagpa tibay ng pananampalataya ng mamamayan sa mga institusyon ng ating Gobyerno, na hindi lahat ng isyu ay dapat idaan sa lansangan, at na mayroon silang matibay na sandigan sa ating Pamahalaan. Oo, dahil minsan sa iyong buhay ay marahil nakipag talo ka sa ka-opisina, kaklase o kapitbahay ukol sa isyu…ibig sabihin lamang na mayroon kang pakialam at mahal mo ang bayan.
Marami pa akong maraming maidagdag na dahilan kung bakit “Oo,” at bakit tunay na nagtagumpay ang mamamayang Pilipino sa naganap. Pero ang pag bigay puna natin sa dahilan ng kasagutang “hindi” ay marahil makatulong sa atin sa pag tahak sa “tuwid na daan,” at gumising sa ating diwa at realisasyon kung ano ang tunay na makakabuti sa ating bayan. Dahil ang pagtangap sa katotohanan gaano man ito hindi ka nais-nais ay masakit ngunit higit na makakabuti.
Hindi tayo matagumpay sa naganap pagkat si Corona ay isa lamang sa labin-limang mahistrado ng Korte Suprema. Marami tayong reklamo sa mga hindi patas na nagiging desisyon ng Korte Suprema, ngunit hindi natin ito nalutas pagkat si Corona ay isang boto lamang sa labin-lima. Kung tunay na hindi sila nagging patas, patuloy parin sila magiging hindi patas pagkat isa lamang ang nawala sa kanila.
Hindi tayo matagumpay dahil nabuksan natin sa mundo ng pulitika ang Hudikatura. Ang mga hukom ay hindi pulitiko, at hindi sila binoboto nating mamamayan para malagay sa pwesto. Tama lamang na ganito ang sistema upang maiwasang mabigyan ng kulay ang bawat desisyon na kanilang pinapataw. Upang magdesisyon sila na ayon sa kanilang sariling pagtimbang sa kaso at sa batas na walang halong pagpapa-pogi sa opinyon ng taumbayan. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi maaaring ipalabas sa telebisyon ang paglilitis ng isang regular na korte at ng Korte Suprema.
Hindi tayo matagumpay dahil walang duda na naapakan ang personal na karapatan ni Corona sa naganap na paglilitis. Mula sa paghain ng reklamo hanggang sa presentasyon ng ebidensya, maraming abogado at eksperto ang magsasabi ng iregularidad na naganap. Gaya ng mga ebidesya na walang “authentication.” Sa regular na korte ay hindi ito papansinin ng Hukom na parang hindi nya ito nakita. Hindi ito nangyari sa Impeachment Court. Marami ring Senador ang nagbitaw ng hatol na galing umano sa “kunsiyensya.” Ang pagiging Hukom ay dapat marunong kumilatis ng dapat tangaping ebidensya. Ang isang Hukom ay dapat mag bigay lamang ng buhay sa batas at hindi dagdagan ito ng emosyon ng isang taong mortal. At dahil naapakan ang karapatan ni Corona na pinakamataas na Mahistrado, walang duda na mas madali tapakan ang karapatan ng isang ordinaryong Pilipino.
Hindi tayo matagumpay dahil ang mahirap noong nakaupo si Corona ay mahirap parin sa mga susunod na araw. Ang kurakot sa gobyerno ay walang kasiguraduhang magiging tuwid.
Hindi tayo matagumpay dahil hindi si Corona ang tunay nating kalaban. Ang ating kalaban ay ang ating mga makasalanang sarili. Ginawa nating karumaldumal ang kalagayan ng ating Bayang minsang masagana. Ang kurapsyon ay nagaganap hindi lamang sa gobyerno kundi pati sa pribadong sektor. Ang pinaka-simple sa lahat ng batas, ang batas trapiko ay hindi masunod-sunod. Bawat eleksyon ay may pagtanggap ng pera na nagaganap ng isang botante. Bawat trasaksyon sa Gobyerno ay may under-the-table.
Ano ang ating tunay na napatunayan? Na ang mga Pilipino ay kayang magpatalsik ng kurakot na lider? Mga kababayan matagal na po nating napatunayan iyon. Dalawang People Power at isang impeachment verdict na natin iyon naipakita sa mundo. Walang duda na kaya natin pumiglas sa masamang lider.
Ang tanong ngayon ay kung kaya ba nating pumiglas sa masamang kalagayan bilang isang Bansa.
Ang mga kadahilanan kung bakit hindi tayo matagumpay ay hindi ko binangit para siraan ang administrasyon at ang masigasig na bagong pag-asa ng ordinaryong Pilipino. Ito ay hamon sa ating lahat saan mang sector ng lipunan kabilang.
Ang pagtataguyod ng ating Bayan ay responsibilidad hindi lamang ng Gobyerno, ito ay responsibilidad ng bawat isa. Sana ang natapos na Impeachment Trial ay simula ng isang magandang bukas para sa Bansa. Wala tayo magagawa sa ngayon kundi ay manalangin at umasa na iyon ay matupad.
Nawa’y ang Bansang Pilipinas ay magbigay buhay sa katagang “Dakila ang Bansa na ang Diyos ang siyang Panginoon.”
MANILA, MAY 29, 2012
No comments:
Post a Comment